BALITA: TPIS Christmas Cantata 2023, isinagawa
Isinagawa na ang Christmas Cantata ng mga paezian ngayong ika-11 ng Disyembre sa Pinagsanib na Paaralang Timoteo Paez.
Sinimulan ang programa nang ika-7 ng umaga na pinangunahan ng masiglang pagbati ng tagapagdaloy na si Ginoong Red Atanacio, guro sa MAPEH.
Inumpisahan ito sa pamamagitan ng dasal na pinamunuan ni Bb. Desireejoy Alayon at kumpas ni Ginoong Atanacio sa pambansang awit.
Sunod namang nagbigay ng mensahe ang Guidance Counselor ng Paez na si Ginoong Romeo Tan.
Naghatid din ng mensaheng nagbibigay inspirasyon ang punong-guro ng Paez na si Ginoong Amor P. Dugay.
Ayon kay Ginoong Dugay, nagpapasalamat siya sa sa faculty club sa pangunguna ng Presidente nito na si Ginoong Glen Noel, opisyales at kasapit ng faculty, administrator, judges, at pati na rin sa mga mag-aaral sa baitang 7 at 10.
Dagdag pa niya, "Wala nang tatalo pa sa paskong pinoy. Mula setyembre hanggang January ay talagang ipinagdiriwang. Kaya nga panahon ng pagbibigayan, panahon ng pagmamahal. 'Yung pagmamahal na 'yan ay hindi lamang sa materyal na bagay kundi sa pagsasabuhay sa diwa ng pasko."
Sunod namang ipinakilala ni Ginang Fe Empaynado ang mga gurong huhusga sa mga piling mag-aaral na sumali sa nasabing Cantata.
Ani pa ni Ginang Empaynado, "Pinili namin sila dahil may alam sila sa musika."
Ipinakilala sina Ginang Thess Dangca, guro sa ika-9 na baitang sa asignaturang sipnayan; Bb. Rose Claire Ravelista, guro sa ika-7 baitang sa asignaturang Filipino; Ginoong Reggie Quijano, guro sa ika-10 baitang sa asignaturang agham; Ginang Josielyn Abrugena, guro sa ika-8 baitang sa asignaturang MAPEH; Bb. Sol Quiñones, guro sa ika-9 na baitang sa asignaturang MAPEH.
Bago magsimula ang Cantata, binanggit muna ang pamantayan sa paghusga. Sinimulan ng mga piling mag-aaral sa baitang 7 ang pagtatanghal at sumunod naman ang baitang 10 at 12.
Bago matapos ang programa, inanunsyo ang mga nagwagi sa tatlong baitang. Wagi sa ika-7 baitang ang seksyong Agoncillo, ikalawang pwesto; Ramirez, unang pwesto; Juliano, kampeon. Wagi naman sa ika-10 baitang ang seksyong Dagohoy, ikalawang pwesto; Bonifacio, unang pwesto; Burgos, kampeon. Samantalang sa ika-12 baitang, wagi ang seksyong Home Economics A, ikalawang pwesto; ABM B, unang pwesto; GAS A, kampeon.
Iniwasto ni: Lhean Lyn Bangcale
Comments
Post a Comment