LATHALAIN: Mama, kahanga-hanga ka sa lahat

Bata pa lamang ako ay labis ko ng iniidolo ang aking ina. Sa unti-unti kong paglaki ay naging saksi ako sa kung gaano naging katatag at kalakas ang aking ina sa kabila ng lahat ng pagsubok na hinarap ng aming pamilya. Imbis na sumuko, patuloy siyang nagsumikap para lang mabigyan kami ng magandang kinabukasan ng aking kapatid.

  Naaalala ko pa noong umiiyak ang aking ina. Hindi ko na maalala ang edad ko noon ngunit ang pangyayaring iyon ay sugat na sariwang hindi ko makalimutan dahil sa sakit na ipinaramdam nito sa akin.

Tinanong ko si mama kung bakit siya umiiyak ngunit imbis na sabihin ang dahilan ay pinunasan lang niya ang kanyang mga luha't sabay sabing "Wala lang 'to, okay lang si mama." habang nakangiti sa akin. Hindi ako naniwala dahil nasaksihan ko ang pagtatalo nila ni papa.

  Sa mga sandaling 'yon ay nagningning si mama sa aking mga mata. Nakamamangha ang kanyang lakas. Lahat ng hirap na kanyang dinanas ay dinaan niya lang sa ngiti para sa amin ng aking kapatid.

Sa aking pagtanda ay patuloy ko ring napagtanto na dugo at pawis ang isinasakripisyo ng mga ina para sa ating mga anak upang makamit natin ang ating mga pangarap.

  Hindi na nakapagtataka kung bakit "ilaw ng tahanan" ang tawag natin sa kanila dahil tunay ngang sila ang liwanag na nagdadala ng pag-asa, ginhawa, at mainit na pagmamahal para sa kanyang pamilya.

  Ang mga ina ang ilaw na nagbibigay-liwanag sa madidilim na araw ng pamilya.

  Tuwing ika-14 ng Mayo ay sinisigurado kong mabibigyan ko ng regalo ang aking ina upang masuklian ang lahat ng sakripisyong ginawa niya para sa amin.

  Alam kong hindi matutumbasan ng kahit anong regalo ang lahat ng ginawa niya para sa amin ngunit ang mahalaga ay maiparamdam ko sa kanya na pinahahalagahan ko ang lahat ng kaniyang ginagawa.

  Gayunpaman, lagi nating tatandaan na hindi lamang dapat sa mga espesyal na araw tulad ng Mother’s Day ipinadarama sa mga ina ang ating pagmamahal bilang anak.

  Bawat araw na dumadaan ay isang oportunidad upang maiparamdam sa kanila ang ating pagmamahal. Lagi natin silang pasasalamatan at mahalin nang walang katapusan tulad ng pagmamahal nila para sa atin.



Isinulat ni Imaru D. Conta

Comments

Popular posts from this blog

BALITA: GAD capability building, dinaluhan ng Teaching & Non-teaching Personnel

ISPORT: Atleta ng arnis, kampeon sa district meet