LATHALAIN: Panganib na dala ng init ng panahon
Ngayong panahon ng tag-init, hindi natin maiiwasan na makakuha ng sakit na dala o dulot ng mainit na panahon — isa na rito ang heatstroke.
Ano-ano nga ba ang mga paraan upang maiwasan ito?
Kadalasang nakukuha ang heatstroke kapag tayo ay nabibilad o nae-expose sa mga lugar na mayroong mataas na temperatura sa matagal na panahon; dito ay maaaring mag-overheat o tumaas ang temperatura ng ating katawan, na hindi napapawi ng pagpapawis dahil sa dehydration. Kadalasang ang mga matatanda at mga bata ang madaling kapitan ng sakit na ito.
Ilan sa mga sintomas nito ay ang pakiramdam na labis na init ng katawan, pamumula ng balat, mabilis na pagtibok ng puso, panghihina, pagkahilo, at hanggang sa pagkawala ng malay.
Kung ito’y maranasan ano ba ang dapat nating gawain?
maaaring paupuin o pahigain ang biktima.
kapag ang biktima ay may makapal na damit o doble-dobleng suot, palitan ng manipis na damit o luwagan ang masisikip na damit.
matapos nito ay kumuha ng yelo, o di kaya’y basain ang isang tela o towel, at ipunas ito sa sa ulo, kili-kili, at batok.
pagkatapos ay paypayan ito hanggang sa ito’y magkamalay at magising.
kapag ang biktima ay nahimasmasan na, saka lamang ito painumin ng tubig.
Narito naman ang ilan paalala kung paano maiwasan ang heatstroke:
Uminom ng maraming tubig. Maaari itong makatulong upang tayo ay manatiling hydrated o mapanatili ang tamang lebel ng hydration sa ating katawan.
Kung maaari, manatili lamang sa bahay o sa mga lugar na hindi masyadong mataas ang temperatura.
Kung aalis, palaging magdala ng payong o anumang panakip sa ulo. Ito ay makatutulong upang bigyang proteksyon ang ating katawan mula sa direktang sikat ng araw. Huwag ding kalimutang magdala ng tubig.
Magsuot ng presko at manipis na damit.
Tandaan na ang heatstroke ay hindi biro — kapag ito ay isinawalang bahala ay maaari itong humantong sa kamatayan.
Mabuti nang tayo ay may alam upang ito ay maiwasan; “prevention is better than cure,” ika nga.
Isinulat ni Axl Rose V. Ferrer
Comments
Post a Comment