AGHAM: Magtanim ay 'di biro

         Minsan ba'y iniisip mo rin kung kailan kaya matatanggap ng ating mga magsasaka ang karapat-dapat na pagtrato? Ako kasi, oo. Hindi ko mawari kung bakit tila sila'y palaging ipinagsasawalang-bahala at nilalagay sa dulo.

  Ang Pilipinas ay isang bansang agrikultural bunga ng pagkakaroon nito ng masaganang likas na yaman. Talaga nga namang nakakaangat ang mga Pilipino kung yamang-likas ang pag-uusapan.

  Sa kabila ng pinagpala nating kapaligiran, pagdating naman sa lagay ng ating agrikultura, makikita rito ang iba't ibang suliranin na patuloy pa ring bumabagabag sa atin. Ilan na lamang dito ang mababang presyo ng produktong agrikultura, pagdagsa ng dayuhang produkto, at kakulangan ng makabagong kagamitan at teknolohiya sa pagsasaka. Tunay nga naman na ito'y nakakabahala, hindi ba?

  Napapansin niyo ba na ang ating mga magsasaka ang siyang kumikilos upang mayroon tayong maihahain at makakainin sa ating hapagkainan ngunit tila sila rin ang madalas na lubog sa kahirapan at dumaranas ng kagutuman?

  Kahit na ang mga paa nila'y lubog sa putik araw-araw at ang mga damit ay masasabing marumi o gusgusin pagkatapos ng kanilang pag-aani, ang tingin ko sa kanila ay napakataas at napakatayog na para bang nahigitan na ang mga bituin. Paano ba naman kasi, dugo't pawis ang kanilang ibinubuwis.

  Ang kanilang tungkulin ay talaga nga namang hindi dapat na minamaliit. Hindi kaya madali ang yumuko maghapon at magbanat ng buto para sa ibang tao. Kamangha-mangha ang mga angkin nilang lakas, kanila ba namang nagagampanan ang mga trabahong sa kanila'y ini-atas. Kahit siguro kulangin na sila sa pahinga, basta mapunan lamang ang kumukulo nating mga sikmura ay ayos na.

  Siguro'y oras na para sa kanila naman matuon ang pansin ng madla.

  Hindi ba mainam kung ang atensyong nararapat para sa kanila ay maibigay na?

  Imulat naman na sana ang mga mata at simulan na ang pagkilos batay sa naaayon at tama.

  Mga hindi kaaya-ayang pakikitungo sa kanila'y sana mawakasan na, sapagkat hindi biro ang ginagawa ng mga magsasaka.

  Karapatan nila’y ibigay ng tama.

 

 Isinulat ni Angelica Joy Roslin


Comments

Popular posts from this blog

SPORTS: Paezians, patuloy na umaarangkada!

TPIS Arnisador, humakot ng parangal!