LATHALAIN: Nagningning ang gabi sa TPIS
Halos dalawang taon din nang makulong tayo sa lungkot ng pandemya, nawala ang mga masasayang handaan at masisiglanng pagtitipon. Maging ang kulay ng mga estudyanteng ‘di man lang nakaranas ng tinatawag nilang “prom” ay kumupas.
Mapalad na ako kung ituturing dahil inakala kong makakapagtapos ako nang ‘di man lang nararanasan ang Js Prom.
Nitong Marso, namangha ako sa aking nasaksihan pagkapasok ko sa loob ng aming paaralan dahil tila mga nagagandahan at nagbobonggahang gown at porma ang bumungad sa akin, pag-aamin ko, nakaramdam ako ng kaunting pagka-insecure sa aking kasuotan ngunit ‘di ako nagpatinag, nagpatuloy pa rin ako sa pagsasaya sa gabing iyon.
Pagpatak ng dilim, nagsimula na ang pagpasok ng mga estudyante at guro. Mas lalong nagningning ang buong covered court dahil sa kislap ng mga ilaw at mga palamuting makintab. Nang oras na namin para rumampa, wala akong makitang iba kung ‘di ilaw na sinabayan pa ng panginginig ng tuhod ko dahil sa kaba pero saglit lamang iyon at dumiretsyo na kami sa pwesto namin.
Sa dami ng tao ay wala akong makita kun‘di ang mga ulo nila pero syempre kung may problema, may solusyon, tumungtong ako sa isang upuan para makita ang nagaganap sa gitna ng covered court.
Sobrang tuwa ko nang mapanood ko ang pinakahihintay kong bahagi ng programa, ang Cotillion De Honor kung saan nakaramdamm ako ng kaunting kilig kahit na hindi ako ang nagsasayaw, sinundan naman ito ng presentasyon ng mga guro.
Bilang parte rin ng programa, nagkaroon ng mga koronasyon kabilang na ang Mr. and Ms. Grade 10 at Grade 9 pati ang Stars of the Night.
Glamarosong-glamaroso ang mga nagsipagwagi nang gabing iyon, ‘di ko tuloy maiwasang maisip na… “sana sa susunod na taon maging isa rin ako sa kanila”. Marami pang naganap ngunit ang tanging ginawa ko lamang at maging ng mga kaibigan ko ay umupo sa isang tabi, nanonood sa mga nagaganap sa paligid namin. Sadya sigurong hindi lamang kami sanay sa mga ganitong klase ng kasiyahan.
Habang lumalalim ang gabi, nagsimula na ang inakala kong romantic na sayawan ngunit nauwi ang lahat sa masiglang tugtugan at disco na siya namang nagpasigla sa buong paligid ngunit kami nakaupo pa rin kami sa isang tabi kahit ang lahat ay nagsasaya hanggang sa… Niyaya ako ng isa kong kaibigan na makisali sa sayawan, ‘di naman ako tumanggi.
Bagama’t masakit sa paa ang tulakan at tapakan sa gitna, na-enjoy ko naman ang gabing iyon sa huling mga minutong nandoon ako.
Nang pumatak na ang ika-9:00 ng gabi, kinailangan ko ng umuwi kaya’t nagpaalam na ako sa aking mga kaibigan.
Hindi man ‘yun ang pinakamasayang gabi, masasabi kong nagniningning pa rin iyon sa aking isipan dahil sa mga hindi makakalimutang karanasan sa mga pangyayari. Kung ‘di man ito naging pinakamasayang gabi sa akin, may susunod pa namang taon para mas maging handa sa muli nitong pagganap.
Matapos ang dalawang taon, ito ang pinakamahalagang gabi sa buhay ng mag-aaral na nasa sekondarya kumabaga inaabangan noong nasa elementarya pa lamang ako.
Himalang maituturing dahil dalawang taon na wala ang ganitong kasiyahan. Isa itong patunay na, sa kabila ng kalungkutan at dilim, laging magbabalik ang kasiyahan at ningning ng gabi.
Ramdam ko na ang pagbabalik ng lahat sa normal matapos ang pamdemya, ikaw ba? Ramdam mo na ban a babalik na tayo sa normal?
Isinulat ni Danielle Rose Zurita
Comments
Post a Comment