KOLUM: Saan lulugar? Saan lulugar?
Ginanap ang 'Gala Night' sa mataas na paaralang Timoteo Paez Integrated School (HS) nitong ika-17 ng Marso taong 2023. Ito ay para sa mga estudyanteng nasa baitang 9 at 10. Mayroon ding dress code na inilabas ang nakakataas para sa lahat.
Ang mga babae ay nakasuot pambabae at ang mga lalaki ay nakasuot panlalaki. Tama o mali?
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na may iba pang gender identity bukod sa lalaki at babae, maaaring ito ay bakla, tomboy, transgender, at iba pa. Ang kalayaan ba sa pagsusuot ng damit na iyong gusto ay hindi dapat lalo na kung ikaw ay nasa loob ng paaralan?
May sistema ang paaralan at bilang kasapi nito dapat lamang na ikaw ay sumunod kung ano ang nakapaloob dito, ngunit ang kalayaan mo habang sinusunod ito ay dapat na nakakamit mo pa rin.
Sa nangyaring "Gala Night" ay pinagbawalan ang crossdressing kung saan dapat ay magdamit panlalaki ka kung ang kasarian mo ay lalaki, at pambabae naman sa mga kababaihan.
Maraming umalma rito lalo na ang mga estudyanteng bahagi ng LGBTQIA+ dahil ilan sa kanila ay nais na mai-express ang sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng kasuotan na magpapataas ng kanilang kompyansa sa sarili.
Bilang isang estudyante ay kalayaan mo nga namang suotin ang mga damit na iyong gusto, gawin ang mga bagay na magpapasaya sa'yo, ngunit sa loob ng paaralang ating ginagalawan na may sinusunod na sistema ay dapat din na irespeto.
Maaaring hindi pa sa ngayon ang tamang panahon at hindi paaralan ang tamang lugar sa iyong pananamit, ngunit baka sa susunod ay onti-onti nang mabago ang sinusunod, katulad na lamang sa ilang pamantasan kung saan ay malaya na ang mga estudyanteng pumili ng unipormeng kanilang isusuot.
Sa madaling salita, may panahon para piliin natin ang gusto natin, hindi masamang sumunod sa panuntunan ng paaralan.
Isinulat ni Ashlien Joy A. Vidaña
Comments
Post a Comment