BALITA: IN-SET TRAINING, muling naisagawa sa TPIS

 

Matapos ang dalawang magkasunod na taon mula 2020 ay matagumpay na isinagawa ang apat na araw na Mid-Year School-Based In-Set Training (In-Set) taong-aralan 2022-2023 para sa mga guro ng Timoteo Paez Integrated School (Junior at Senior High School) na may temang “Strengthening Student-Centered Holistic Practices to Foster Improved Academic Achievements” noong ika-6 hanggang ika-10 ng Pebrero taong kasalukuyan mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa covered court ng paaralan.

Sabik na nakiisa sa mga aktibidad ang mga guro sapagkat lahat ay aktibong ginawa ang mga gawain gaya ng pagpapakitang-gilas sa pagsigaw ng kaniya-kaniyang yell sa bawat kagawaran at pag-indak kasama ang Galaw Pilipinas sa pamumuno ng Kagawaran ng MAPEH, pagbibigay-ulat hinggil sa paksang tinalakay sa magkakaibang araw at marami pang iba.

Binigyang-diin ni Dr. Andrei Nicolai Pacheco, Public School District Supervisor sa kaniyang mensahe ang pagmamahal ng mga guro sa kanilang propesyon sa kabila ng mga problemang kinahaharap sa pagbabalik-eskwela sa paaralan ng mga mag-aaral.

Tinalakay ang matrix ng training ni G. Jeusuel Nonnatus De Luna, MTII at Over-all Chairman of the School-based In-Service Training mula sa Departamento ng TLE-Vocational na sinundan naman ng pagbasa ng mga regulasyong kailangang sundin ng mga guro sa loob ng apat na araw ni Gng. Cherry D. Utanes, MTII mula sa Departamento ng Home Economics para sa maayos at matiwasay na gawain.

Sinimulang ibahagi ni Gng. Mary Ann R. Catabay, MTII bilang tagapagsalita sa Senior High School ang Learning Continuity and Recovery Plan (LCRP), layunin nito ang kahalagahan ng LCRP sa sistema ng edukasyon, paglikom ng mga datos mula sa learning performance at pagtalakay sa ilang alalahanin tungkol sa accomplishing learning and development programs ng kanilang departamento.

Parehong tinalakay nina Bb. Joanne G. Echalas, MTII ng Departamento ng Filipino at Gng. Joy S. Mendoza, MTII ng Departamento ng Ingles ang Curriculum-Based Assessment and the interventions at ibinahagi naman nina Bb. Kenny Delos Reyes at Gng. Melody Rosales, HT VI mula sa Departamento ng Matematika ang kinalabasan at problemang kinaharap habang isinasagawa ng pagsusulit sa mga mag-aaral.

Sa pagpapatuloy sa ikalawang araw ay nakatuon sa pagtalakay ni G. De Luna ang lakas ng kagawaran sa kabuuan: (1) ICT Integration, (2) Nakatuon sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto – ang pagbuo at pagpapatupad ng estratehiya sa pagtuturo ay nakatuon sa malikhain at kritikal na pag-iisip (HOTS).

Sinundan naman ito ni Bb. Julieta Edilio, MTI mula sa Kagawaran ng Agham sa pagtalakay sa nakaraang resulta ng IPCRF, layunin, achievements and interventions na isinagawa na naglalayong mapahusay pa ang mga kasanayan sa kritikal na pag-iisip sa pag-unawa sa mga pang-agham na termino/bokabularyo, impormatibong teksto o pagsulat ng artikulo tungkol sa aralin sa agham, at upang makabuo ng de-kalidad na proyekto sa pagsisiyasat ng paksang may kinalaman sa agham.

Ipinagpatuloy naman ni Bb. Ma. Theresa B. Ignacio, MTII mula sa Departamento ng Araling Panlipunan ang pagtalakay sa pagbuo ng mga materyales, planned remediation, collaborative activities at mga aktibidad na makatutulong sa pag-unlad ng mga mag-aaral ukol sa aralin na isinagawang sesyon ng LAC, mentoring at pagtuturo sa mga bagong guro sa paggawa ng Daily Learning Plan / Lesson Plan at iba pang nauugnay na mga tungkulin sa mga grupo na may mga itinalagang focal person.

Pinangunahan naman ni Gng. Ria G. Nueva, MTI ng Departamento ng ESP, ang pagtalakay sa socio-emotional learning (SEL) na susukat sa emosyonal na katayuan ng mga mag-aaral; nahahati ito sa limang kategorya katulad ng emotion regulation, cognitive regulation, social skills, public spirit, at identity & agency.

Sa pagpapatuloy, ibinahagi ni Gng. Utanes, mga dahilan ng pagbaba ng marka ng mga mag-aaral tulad ng pagliban, hindi pagsunod/hindi kumpleto na mga proyekto, aktibidad, at mga gawain sa pagganap at mga problema sa kalusugan. Tinalakay rin niya ang mga interbensyon na isinagawa para sa mga mag-aaral gaya ng parent conference, extension ng deadline para sa mga output, pakikipag-ugnayan sa mga adviser, home visitation, follow up sa pamamagitan ng social media, peer-teaching (student to student learning) at feeding program.

Dagdag pa nila ang matagumpay na pagpapaganda sa gusali ng Maharlika na kung saan bawat palapag ay may mga halaman – para sa mental health ng mga guro at mag-aaral, sanitation signage para sa health and safety protocol at feeding program para sa mga malnourished o indigent students.

Hindi nagpatalo sa pagbabahagi ang Departamento ng MAPEH sa katauhan ng kanilang puno ng kagawaran na si Ginang Eileen Marie C. De Leon, tumindig si Ginang Fe Empaynado, MTI upang magbigay ng isang compact na pangkalahatang-ideyang nagawa ng departamento tulad ng mga materyales na ginamit sa panahon ng pandemya partikular na ang mga video lesson at activity sheet. Idinagdag din niya na mayroong limang natatanging guro sa MAPEH Department, kasama siya.

Sa ikatlong araw, binigyang-diin ni G. Sonny D. Valenzuela, punongguro ng TPIS ang kahalagahan ng paglikha ng mga imbensyon na maaaring pakinabangan ng lahat. Bukod pa rito, binigyang-inspirasyon niya ang ilang tagapagturo mula sa iba't ibang disiplina na bumuo ng mga bagong ideya gamit ang mga likas na yaman at iba pang kasangkapan.

Nagbahagi rin ng kaalaman si Dr. John Paul Q. Herrera, MTII, JHS/SHS Research Adviser ang layunin para sa pagtalakay ukol sa pananaliksik, ibinahagi niya ang maling paniniwala sa pananaliksik, sampung tip sa pagsulat, at paano maghanda ng isang research paper at ang kaugnay na gawain.

Sinundan ito ng presentasyon ng mga isinagawang pananaliksik ng ilang mga guro ng paaralan.

 

 

Isinulat nina Ashlien Joy A. Vidaña at Lhean Lyn S. Bangcale

Comments

Popular posts from this blog

SPORTS: Paezians, patuloy na umaarangkada!

TPIS Arnisador, humakot ng parangal!