LATHALAIN: Limitahan ang pagdepende, sagipin ang sarili

        Kasabay ng pag-usad ng oras ay ang lalong paglawak ng epektong hatid sa atin ng teknolohiya. Hindi maipagkakaila na ito'y isa sa mga mabisang paraan upang mas mapadali ang ating pamumuhay. Ngunit, sa kabila ng mga nakamamangha nitong tulong, inyo bang nababatid ang negatibong dulot nito?

  Tunay ngang napakalaki ng kontribusyon ng teknolohiya sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, lalo na sa pagkatuto ng katulad kong mag-aaral. Nagagawa nitong mas maging kapana-panabik ang pagtuklas ng mga panibagong kaalaman.

  Hindi mo na kinakailangan pang dumaan sa napakaraming libro para lang matagpuan ang hinahanap mo. Ang mga bagay na hindi lubusang maintindihan, tiyak na sa tulong nito ay agad na mauunawaan.

  Talaga nga namang hindi na mabilang ang ambag nito sa ating lipunan, ngunit mainam din siguro kung ating tatalakayin ang mga hindi magandang epekto nito at kung paano mo sasagipin ang iyong sarili sa pagkalulong dito.

  Nang dahil sa lubos nating pagdepende, tayo'y tila umaasa na lang tayo palagi sa teknolohiya at dito na lamang umiikot ang ating mundo. Nawawala ang orihinalidad at pagkamalikhain ng ating mga gawa sapagkat mas pinapaburan natin ang mga ideyang nakakalap natin dito.

  Hindi naman masama ang sumangguni para mas maging mabisa ang iyong gagawing trabaho, basta't ika'y 'wag lang talagang aabuso.

  Hangga't maaari ay iwasan ang pagdating sa punto na ika'y aasa na lamang sa serbisyo nito at hindi na gagawa gamit ang sariling kakayahan mo.

  Palaging piliin ang paggawa ng matalinong desisyon, unahing isipin kung may magandang maidudulot ba ito sa iyo.

        Huwag maging kampante sapagkat hindi sa lahat ng oras ay nakakabuti ang pagdepende.

 

 

Isinulat ni Angelica Joy A. Roslin


Comments

Popular posts from this blog

SPORTS: Paezians, patuloy na umaarangkada!

TPIS Arnisador, humakot ng parangal!