LATHALAIN: Kaya pa ba?

 

        Dama mo rin ba ang lungkot, hirap, at masalimuot na hatid ng kaguluhan sa ating paligid? Madalas bang sumasagi sa iyong isip ang pagsuko at pagbitaw dala ng hindi matapos-tapos na suliranin? Huwag mangamba sapagkat ang sabi nga nila; "habang may buhay, may pag-asa."

 

        Kung perpekto lang ang mundo, sana'y hindi tayo nagkakagulo, wala sanang bumabagabag sa atin bago tayo matulog. Ngunit, hindi mo ba naiisip? Sa pamamagitan ng mga pagsubok na dumarating ay kasabay naman nito ang paglago ng ating pananalig na ito'y malalagpasan din.

 

        Hindi naman maiiwasan ang pagdating ng mga iba't ibang klase ng problema, wala naman tayong magagawa kun’di ang harapin ito at kumilos upang hindi na lumala pa. Magkaroon ka man ng mga pagkakataong tuliro na ang isip dahil sa pagkabigong nararamdaman, palaging tandaan na maaari pa rin namang lumaban.

 

       Libre lang naman ang pag-asa, hindi mo na kinakailangan pang gumastos dito ng pera. Maaaring manumbalik ang nanghihina mong tiwala kung ika'y patuloy na maniniwala. Kung matututo kang tumayo sa sarili mong mga paa, paniguradong malalagpasan mo ang iyong mga pangamba.

 

       Talaga nga namang tunay ang pagdurusang hatid ng mga hamon sa atin, kaya hindi rin nakakapagtaka kung minsan ay nawawalan ka na ng pag-asa. Ngunit, hindi naman basehan ang lebel ng hirap upang ika'y sumuko na agad. Hangga't kaya pang sumubok muli, mas mainam kung ito ang gagawin.

 

      Palaging isaisip na sa ating buhay ay hindi puro saya ang mararamdaman, napakaraming mga bagay ang darating na siyang magpapalito sa ating puso't isipan.


       Ngunit sana'y kahit na gaano pa kakumplikado ang buhay, hinihiling ko na ang palagi mong maging sagot sa katanungang "kaya pa ba?" ay "oo naman, lalaban pa."

 

 

Isinulat ni Angelica Joy Roslin

Comments

Popular posts from this blog

SPORTS: Paezians, patuloy na umaarangkada!

TPIS Arnisador, humakot ng parangal!